Post Header
Sa loob ng maraming taon, ang aming mga coder at boluntaryong tagapagsalin ay nagsisikap na i-internationalize ang Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan). Ngayon, kami ay nasasabik na ipahayag na ang mga rehistradong gumagamit ay maaari nang makatanggap ng mga email ng abiso mula sa amin sa ibang wika! Kung lumagda ka sa iyong AO3 account, maaari kang pumunta sa iyong Preferences (Mga Kagustuhan) na pahina at i-update ang Your Locale (Iyong Lokal) upang piliin ang wikang gagamitin namin kapag nagpapadala sa iyo ng mga email, tulad ng mga kudos o subskripsyon sa mga notipikasyon.
Sinisimulan namin sa pamamagitan ng pagpapagana ng opsyon na makatanggap ng mga notification email sa Simplified Chinese (中文(简体)). Kapag sigurado na kaming gumagana nang tama ang bagong kagustuhan at maayos na naipapadala ang mga isinaling email, ang iba pang mga wika ay papaganahin – sa lalong madaling panahon!
Tandaan na hindi namin isinasalin ang nilalamang ginawa ng gumagamit, tulad ng mga fanwork o komento. Halimbawa, sa isang isinaling kudos email, ang paksa na "You've got kudos! (Nakatanggap ka ng mga kudos!)" at ang bilang ng mga bisitang nag-iwan ng kudos ay isasalin. Gayunpaman, ang listahan ng mga username at ang mga pamagat ng iyong mga gawa ay mananatili sa kanilang orihinal na wika.
Kailan maihahandog ang aking wika?
Ang Simplified Chinese ay kasalukuyang tanging magagamit na wika, dahil nais naming magpokus sa pagpapagana ng kagustuhan sa lokalisasyon. Mas maraming wika ang gagawing magagamit kapag nakumpirma na naming gumagana nang tama ang bagong kagustuhan. Ang hakbang-hakbang na pagpapalabas na ito ay nagbibigay-daan sa amin upang maibigay sa inyo ang kumpletong mga pagsasalin sa lalong madaling panahon, sa halip na ipagpaliban ang mga ito hanggang sa ang lahat ay ganap nang nakakoda, nasubok, at naisalin.
Bakit na sa Ingles pa rin ang ilang email kahit pumili na ako ng locale?
Ang AO3 ay may higit sa 30 iba't ibang uri ng mga email, ngunit hindi lahat ng mga ito ay naisalin pa. Sa halip, nakatuon kami sa mga pinakakaraniwang email, gayundin sa ilang email na kailangan para sa teknikal o seguridad na mga kadahilanan. Habang magagamit ang mga pagsasalin para sa mas maraming email sa pagdating ng panahon, sisimulan naming ipadala ang mga isinaling bersyon batay sa lokalisasyon na iyong napili sa halip na ang default na tekstong Ingles. Nangangahulugan ito na ang ilang email ay maaaring manatili sa Ingles nang ilang panahon, o bahagyang nasa Ingles, kahit na pumili ka ng ibang lokalisasyon sa iyong mga kagustuhan. Ang pagpapagana ng isang wika sa sandaling ang mga pinaka-ginagamit na email ay naisalin ay nakakatulong upang mas mabilis na maibigay sa iyo ang mga pagsasalin.
Bukod pa rito, hindi namin maipapadala ang mga isinaling email sa mga bisita, tulad ng mga abiso para sa mga tugon sa mga komentong iniwan mo nang hindi lumagda.
Maaari ba akong magboluntaryong magsalin ng mga email sa aking wika?
Oo! Ang a href="https://www.transformativeworks.org/committees/translation">Komite ng Pagsasalin ay tumatanggap ng mga aplikasyon ng tagapagsalin sa buong taon, at gusto naming marinig mula sa iyo, kung nais mong sumali sa isang umiiral nang pangkat ng wika, o manguna sa isang pangkat para sa isang wikang hindi pa namin nasasaklaw! Pakitandaan na ang aming mga tagapagsalin ay nagtatrabaho sa iba't ibang uri ng nilalaman, kabilang ang lokalisasyon ng email ng AO3, Mga Madalas na Katanungan, mga post ng balita, at iba pang mga dokumento, at kung makapasa ka sa aming proseso ng pagpili, makakatanggap ka ng ilang iba't ibang uri ng mga gawain na dapat mong gawin. Kung nasisiyahan kang magtrabaho sa isang pangkat at nais mong tumulong na gawing mas magagamit ang mas maraming nilalaman sa iyong wika, mangyaring makipag-ugnayan sa Pagsasalin!
Bakit hindi nakasalin ang iba pang bahagi ng site?
Pinili naming isalin muna ang mga notification email, dahil ang mga ito ay nakabukod at sa gayon ay mas simpleng isalin at ipatupad sa teknikal na aspeto kumpara sa buong interface ng website. Ito ay nagbigay-daan sa amin upang gamitin ang mga email upang bumuo ng mga pamantayan sa coding at mga proseso ng pagsasalin na maaari na naming gamitin ngayon para sa interface. Mayroon na kaming pag-unlad tungkol dito, ngunit hindi pa kami makapangako ng anuman.
Kung mayroon kang karanasan sa pagpapaunlad ng web application, lalo na sa Ruby on Rails at internasyonalisasyon, maaari kang maging isang tagapag-ambag sa kodigo upang tulungan kaming isulong ito at ang iba pang mga inisyatiba.
May nakita akong maling pagsasalin, paano ko ito masasabi sa iyo?
Mangyaring makipag-ugnayan sa Pagsasalin kasama ang sumusunod na impormasyon, at susuriin nila ang iyong mungkahi.
- ang paksa ng abiso sa email
- isang buong sipi ng teksto na sa tingin mo ay hindi tama
- at isang paliwanag kung saan sa tingin mo dapat itong baguhin at bakit
Kami ay nasasabik na sumulong sa mahalagang gawaing ito upang gawing mas naaabot ang AO3 sa aming pandaigdigang pangkat ng mga gumagamit, at inaabangan namin ang pagdagdag ng mas maraming wika, pati na rin ang pag-internasyonalize ng pangunahing interface ng website, sa hinaharap!
Isang organisasyong di-pangkalakal ang OTW (Organisasyon para sa Nagbabagong Katha) na sumasaklaw sa ilang mga proyekto, tulad ng AO3, Fanlore, Open Doors, TWC, at Ligal na Pagtataguyod ng OTW. Pinapatakbo ang buong organisasyon ng mga boluntaryo at dumepende lamang sa mga donasyon. Maaari niyong alamin ang higit pa tungkol sa amin sa pagbisita sa website ng OTW. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa aming mga boluntaryong tagasalin, na siyang nagsalin ng paskil na ito, maaaring tumungo sa pahina ng Komite ng Pagsasalin.


